Rumaragasang bicycles, asintadong cartwheels, at lumalagitik na tekong ang ibinitaw ng mga atletang pambato ng delegasyong Occidental Mindoro sa pangunguna ng mga sipa ni Jaybe Abayon ng Regu C, para sa impresibong 2-1, panalo sa Semifinals kontra mga pambato ng Puerto Princesa sa gitgitan ng Sepak Takraw Men’s Regu, kaugnay ng MIMAROPA Athletic Association Meet 2025, sa RVM Jr. Sports Complex, Marso 13.

Agaw momentum sa Regu B at C ang mga pambato ng Occi Min, nang magawang tablahin ang laban at maipagpatuloy ang gitgitan sa Regu C.

Sumalansan ang 5’6 atleta na si Jaybe Abayon ng 11 puntos para sa huling regu, tampok sa maiinit na 6 bicycles, 4 cartwheels, 1 heading, kasama ang mga mala pader na depensa at biradang opensa ng kaniyang koponan.

Unang nagpakulo ang koponang Puerto nang kanilang angkinin ang dalawang set sa Regu A, nang magpasiklab ng malalakas at sunod-sunod na bicycles, headings, at cartwheels si Padul, kasama ang pinaghalong lakas at agapay nina Durano at Tejada, 15-10, 15-13.

Ginulantang ng koponan ng Occi Min ang kanilang kalaban sa pagpasok ng unang set ng Regu B, matapos nilang agawin ang momentum mula sa paghihinalo ng Puerto at tambakan ito ng maiinit na bicycles at cartwheels nina Erasmo at Daprosa, 15-9.

Samantala, hindi nagpatinag ang Puerto nang dominahin ni Madrona ang kalaban sa ikalawang set mula sa kaniyang umaaribang atake gamit magkakasunod niyang bicycles at headings, 15-9, pabor sa Puerto.

Pilit mang umaagapay si Madrona upang ipaglaban ang kaniyang koponan sa ikatlong set ay agad namang nagpatikim ng ilang bicycles ang mga pambato ng Occi Min upang tuluyang tipakin ang Regu B, 15-7.

Nanatili ang bangis ng Occidental Mindoro sa deciding game, Regu C, nang pumasok sa court si Abayo at pambihirang sumalaksak ng malalakas na bicycles at carthwheels, sabayan pa ng depensa at atake ni Ma at Laredo, dahilan upang kanilang tuluyang ipagkait ang puwesto sa Finals sa koponang Puerto, 15-8, 15-5. 2-1 pinal na iskor, kampeon kontra Puerto.

“It was a well deserve game in both teams, sa PPC credits sa kanila ang gagaling nila, medyo pumabor lang saamin ang game kaya kami nanalo” ani ni Celestino F. Gadiano Jr., head coach ng Occidental Mindoro.

Dagdag pa ng coach ay ibibigay nila umano ang kanilang best para sa kanilang laban kontra sa mga pambato ng Palawan bukas.

Kaugnay nito, asahan ang mainit na dikdikan sa pagitan ng Occidental Mindoro at Palawan na muling maghaharap sa ikatlong pagkakataon para sa finals.

Mga kuha ni: Dale Arthas S. Igot

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *