Nagpasiklab ng mga asintadong lay ups at nakasisindak na 2 point shot ang ipinakita ni Dominique Albert C. Aldaya ng Palawan para angkinin ang ginto sa impresibong 21-14, kontra Marinduque sa 3×3 Men’s Basketball Championship Secondary kaugnay ng MIMAROPA Regional Athletic Association, sa Ramon V. Mitra Sports Complex, Puerto Princesa City, nitong ika-14 ng Marso.
Patuloy na namayagpag ang atletang nagmula sa Narra Integrated School kahit sa matinding gitgitan at depensa ang lumapat sa mga unang minuto ay nagawa itong lagpasan ng Palawan matapos na makahawak ng bola ang 15 anyos na atleta at sunod-sunod na 2 point shots ang ipinamalas nito, 5-0.
Sumalansan si Aldaya ng 10 puntos tampok sa kaniyang maiinit na 4 lay-ups at rumaragasang 2 point shot upang tuluyang selyuhan ang panalo.
“Itong mga batang ito ay nireserve ko talaga para sa 3×3 kasi yung dalawa diyan ay naglalaro na para sa National si Aldaya yung captain ball ko at Angintagpan”, pahayag ni Charlene Grace A. Escala, coach ng Palawan.
Ayon pa coach minsan ding nakaranas ng rejection ang kaniyang mga manlalaro ngunit hindi ito naging hadlang subalit naging inspirasyon nila ito para bumalik nang mas malakas.
Agad na umarangkada ang Palawan sa pagsapit pa lamang ng unang mga minuto ng laro matapos magpakawala ni Aldaya ng mababangis na jumpshots at galing sa pagdepensa dahilan upang pangunahan ang laban, 7-2.
Sinubukan mang dumepensa at makapuntos ng Marinduque ngunit hindi ito umubra sa pinaghalong lakas nina Aldaya at Angintagpan, 2nd best player, sa pagtira at pagdepensa, mula sa kanilang lumalagablab na jumpshots at pambihirang liksi dahilan upang manguna sa laro, 16-10.
Patuloy ang sigawan at hiyawan ng mga taga suporta ng Palawan sa huling mga nalalabing minuto nang tuluyang patumbahin ng 5’4 manlalaro na si Aldaya ang kalaban nang magpasiklab ito nang magkakasunod na lay ups, at jumpshot, 21-14 panalo kontra Marinduque.
Nagawang maibandera ng Palawan ang gintong medalya para sa MIMAROPA RAA Meet 2025 at susubukan namang makopo ang ginto sa darating na Palarong Pambansa 2025.
Samantala, nasungkit ng Marinduque ang pilak matapos magpamalas ng lakas ng opensa at depensa habang naiuwi ng lungsod ng Puerto Princesa ang tanso.














Larawang kuha ni Dale Arthas Reigner