Atletang nagsasanay kayang ipagsabay sa matulunging kamay.
Hindi lamang masusukat ang pagiging mahusay na atleta sa loob ng isang playing field kundi mababatid din ito sa disiplinang tinataglay – ang pagiging mabuting ehemplo sa komunidad. Ito ang pinatunayan ng delegasyon ng Romblon sa kanilang isinagawang inisyatibang clean-up drive sa loob at labas ng kanilang host school, Francisco Ubay Memorial Elementary School.
Ito ay bahagi ng kanilang team-building activity. Tulong-tulong na pinagsumikapang linisin ang loob at labas ng paaralan katuwang ang mga tagapagsanay at manlalaro ng nabanggit na delegasyon.
Marso 8, 2025 nang dumating ang delegasyon ng Romblon sa lungsod ng Puerto Princesa bilang pakikibahagi sa pinakamalaking kompetisyong-pampalakasan sa rehiyon ng MIMAROPA ngayong Marso 10-15, 2025.
Sa ilalim ng mainit na araw, kasabay ng pagod mula sa matitinding pagsasanay, ay hindi nakalimutang ipamalas ng mga atleta ang diwa ng disiplina—hindi sa pamamagitan ng pagsasanay o kompetisyon, kundi sa simpleng gawaing may saysay para sa komunidad.
Ayon nga kay Lim R. Magbata, coach ng Romblon Football ay kilala ang Puerto Princesa pagdating sa kalinisan kaya’t hindi na siya nagtaka na malinis, maayos at maganda ang dadatnan nilang pasilidad.
“Ayaw din namin na umalis ng may kalat at gusto namin kung malinis na dinatnan ay mas malinis din naming iiwan”, dagdag pa ni Magbata.
Hawak ang walis, sako at mga kagamitang panlinis, walang bahid ng pagod o reklamo sa kanilang mga mukha. Sa halip, matamis na ngiti at determinasyon ang namutawi sa kanilang mga labi. Ang simpleng hakbang na ito’y nagsilbing paalala na ang tunay na lakas ng isang atleta ay hindi lamang nasusukat sa taglay niyang bilis, liksi o galing —kundi maging sa kaniyang malasakit at dedikasyon sa paglilingkod.
Ito ay indikasyon ng tunay na diwa ng isports. Pagpapatibay ng disiplina at makabuluhang gawaing maghahatid ng inspirasyon para sa iba. Hindi nakukulong sa konsepto ng kompetisyon bagkus pagpapaunlad ng pagkakaisa at pagdadamayan. Tunay na ang delegasyon ng Romblon ay halimbawa ng isang nagkakaisang pangkat at naghahatid ng mabuting layon.





