Sa talas at tibay ng isip at katawan madalas ikinakabit ang husay at galing ng isang atleta.  Tunay, na ang mental at pisikal ay parehong hinuhubog sa isang manlalaro upang balikatin ang mga hamon ng larangang isports.

Ngunit hindi rin dapat kalimutan ang isa pang aspekto sa buhay ng isang atleta. Ito ay ang kaniyang puso o kalooban sa pagtanggap sa resulta ng palaro: panalo man o talo.

Bahagi ng mensahe ni Regional Director Nick Capulong sa pagbubukas ng MRAA 2025, na ang pagdarasal ay ang pinakamahalagang dapat gawin ng sinuman kabilang ang mga atleta kung may nais tayong abuting pangarap sa buhay.

Ang taimtim na panalangin ay ang nagtuturo sa puso ng isang atleta na tanggapin ang mga pangyayari na hindi niya kayang kontrolin kagaya ng kabiguan sa isports.

Sa pagtatapos ng isang kompetisyong pampalakasan, marami ang nagbubunyi at bumabati sa mga atletang aabante sa susunod na antas ng palaro, ang mga uusad sa Palarong Pambansa. Sa kanila nakatutok ang atensyon ng marami at nakikidiwang sa kanilang tagumpay.

Minsan ay nalilimutan ang mga atletang hindi pinalad sa kompetisyon. Sila ang mga atletang ibinuhos ang parehong lakas at talino sa kanilang mga katunggali ngunit ang katotohanan na iisa lamang ang mananaig sa labanan kung kaya’t talagang mayroong mananalo, at mayroong ding mabibigo.

Kung titignan ang mga atleta ay tila sanay na sanay sila sa pisikal na laban. Ngunit hindi maikakaila na sila ay mga bata pa rin na maaaring hindi pa lubos na nahubog ang mga damdamin sa pagharap sa matinding kabiguan.

Ang mga timpalak-palakasan ng Department of Education ay handang umalalay sa mga atletang nangangailangan ng sikolohikal na suporta sa pagharap sa ganitong mga sitwasyon sa tulong ng mga Registered Guidance Counselors. Ngunit ang pinakamahalagang suporta na maaari nilang makuha ay ang pagmamahal mula sa kanilang kapwa atleta, tagasuporta, at pamilya.

Ang puso ng isang kampeon ay hindi lagi yaong nakatuntong sa hagdanan ng tagumpay. Hindi laging kabiguan ang kasalungat ng tagumpay, kundi ang pagkatuto.

Lakas ng katawan, talino ng isipan at pusong di napapagod na sumubok muli — ito ang karakter ng tunay na kampeon sa larangan ng palakasan!

Guhit ni: Penelope Castro

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *