Hindi maikakaila ang pag-usbong ng Puerto Princesa bilang sentro ng pandaigdigang palakasan at turismo. Ang lungsod, na dati’y kilala lamang bilang tahanan ng Underground River, tila ngayon tinuturing na Best Sports Tourism Destination sa Pilipinas at Cruise Ship Destination for 2023.
Ngayong Marso 10 – 15 ay gaganapin sa “City in the Forest” ang pinakaprestihiyosong kompetisyong pampalakasan ng mga paaralan sa buong rehiyon ng MIMAROPA — ang MIMAROPA Regional Athletic Association 2025 o MRAA.
Bago ito, napatunayan na ng Lungsod ang kakayahan nitong maging host City para sa mga internasyonal at nasyonal na palakasan tulad ng Batang Pinoy 2024, STRASUC Olympics 2024, 3rd International Dragon Boat Festival, 2024 ICF Dragon Boat World Championships, IronMan 70.3, Philippine Beach Game, Human Chess Tournament, at iba pa.
Patunay ito na ang Puerto Princesa’y may kakayahan mag-host ng malalaking kaganapan pang-Isports. Ang mga makabagong pasilidad at maayos na playing venues na naging patunay ng dedikasyon ng pamahalaang lungsod sa pagpapalakas ng isports at turismo.
Hindi maitatanggi na ang ganitong mga malalaking kaganapan sa lungsod ay nagbubukas ng maraming oportunidad tulad ng paglikha ng trabaho at kita na mapakikinabangan ng mga mamamayan.
Gayundin, mayroon din itong kaakibat na suliranin tulad ng trapiko at polusyon na kung hindi agad masosolusyonan sa antas pa lamang ng pagpaplano at koordinasyon ay tiyak magbubunga ng alingasngas sa mga apektadong mamamayan. Kung hindi mabibigyang pansin ang mga suliraning ito, baka mauwi lamang sa magagandang alaala ang kasalukuyang tagumpay.
Ang pagkilala bilang isang “Sports Tourism Capital”” ay hindi lamang parangal kundi responsibilidad. Dapat itong magsilbing inspirasyon para sa lokal na pamahalaan na mas pagbutihin ang imprastruktura, palawakin ang turismo, at siguruhin ang pangmatagalang kaunlaran.
Ang isinasagawang hakbang ng Lungsod na makilala bilang sentro ng pampalakasan ay patunay na hindi lamang gandang pangkapaligiran ang taglay nito, bagkus mga isports pasilidad na world-class na isang potensyal na aspeto sa pagpapalakas ng lokal na ekonomiya.
Guhit ni: Karl Gabriel G. Buenafe