Umani ng mga positibong reaksyon ang ginawang clean-up drive o paglilinis ng mga atleta, coaches at isports opisyal ng delegasyon ng Romblon sa kanilang billeting area sa F. Ubay Memorial Elementary School bilang inisyatibang aktibidad ng kanilang dibisyon.
Kahanga-hanga ang gawaing ito sapagkat di lang sa larangan ng isports nakatutok ang gawain ng mga atleta bagkus sa gawaing pansibiko rin.
Ginawa ito umano ng delegasyon bilang pasasalamat sa eskwelahan at mga magulang na naglinis at naghanda para maging maging maayos at malinis ang daratnan ng mga panauhin sa paaralan.
Nakasanayan din umano ng kanilang delegasyon ang pagsasagawa ng clean-up drive bilang bahagi ng aktibidad ng kanilang mga atleta. Ito ay nakatutuwang gawain ng mga atleta sa panahon ng kanilang pamamalagi sa kanilang pansamantalang tinutuluyan.
Isa sa binigyang diin ni Dr. Nicholas Capulong sa kaniyang talumpati sa isinagawang solidarity meeting ay may kaugnayan sa kalinisan.
“Ang ating lungsond ng Puerto Princesa ay kilalang pinakamalinis sa bansa. Sana ho sa bawat billeting school natin ay mapanatili natin itong malinis. Kung paano natin dinatnan itong malinis, iiwan rin nating mas maayos at malinis,” ani ng direktor.
Ang Lungsod ng Puerto Princesa katuwang ang Dibisyon ng Puerto Princesa ay nagsanib-pwersa sa paghahanda sa palarong ito. Saan mang aspeto ay inihanda ng host delegation ang mga pangangailangan ng iba’t ibang delegasyon mula sa Rehiyon ng MIMAROPA.
Batid ng lahat na napakahalaga ng kalinisan hindi lamang para sa ating kalusugan kundi pati na rin sa pagkatao ng bawat isa. Ang pagsunod at pagsang-ayon sa alituntunin ng delegasyon kaugnay sa kalinisan ay simbolo ng mahusay at disiplinadong atleta.
Nawa ay panatilihin ng bawat delegasyon ang malasakit sa kanilang billeting school sa pamamagitan ng kalinisan hanggang sa huling araw bago sila aalis at lisanin ang kanilang nagsilbing pansamantalang tahanan sa panaho ng palaro.
Guhit ni: Penelope Faye Castro, SPJ Ang Palawenian