Wagi si Jonel Mariano, boksingero ng Romblon via unanimous decision matapos magpasabog ng sunod-sunod na straight jab kontra kay Jovit Jomilla ng Oriental Mindoro sa Boxing-boys quarterfinals 44–46 kg. Pinweight category kaugnay sa MIMAROPA Regional Athletic Meet 2025 na ginanap sa People’s Amphitheater, Mendoza Park, ika-12 ng Marso.
Nagpamalas ng agresibo ang Romblon icon sa pagsisimula ng unang round, walang patid na pamatay na suntok ang pinakawalan para ipananggalang ng kalaban ang gloves hanggang magitgit sa gilid ng ring.
Ayon kay Mariano, nagpamalas siya ng sunud-sunod na malalakas na suntok gayundin ginamit niya ang diskarte na itinuro ng kanyang tagapagsanay.
“Nagpakawala ako ng sunud-sunod na mga suntok sa unang round pa lamang para di na makaporma ang kalaban. Nasa isip ko rin ang estratehiyang tinuro sa akin ni coach bago ako nakipagsagupaaan”, giit ni Jonel.
Tatlong beses na pinahinto ng referee ang gitgitang sagupaan nang agresibong magpakawala ng kaliwa’t kanang straight jab ang pambato ng Romblon sa unang round.
Naging matindi ang palitan ng suntok sa pagitan ng dalawang boksingero sa pagpasok ng huling round.
Nakakuha ng tiyempo ang katunggaling si Jomilla, nailusot ang right jab nang bumagal ang galaw ni Mariano ngunit naging daan ito upang tumibay ang determinasyong angkinin ang panalo ng pambato ng Romblon.
Walang patid na palitan ng suntok ang pinakawalan ng magkatunggali. Bumalik ang pagiging agresibo ng bawat, Solidong right at left hook ang ipinamalas ni Jonel hanggang sa tumunog ang bell, hudyat ng pagtatapos ng final round.
Samantala, namayagpag din ang boksingerong si Denver C. Visca mula sa parehong delegasyon laban kay Norsalam T. Dumaan ng Puerto Princesa City matapos magpamalas ng husay at determinasyon para angkinin ang Quarterfinals Junior Boys sa kategoryang Bantam Weight 52.1kg-54kg.



