Nakamit ng mga atleta mula sa Palawan ang samu’t saring medalya matapos nilang ipamalas ang kanilang husay at galing sa MIMAROPA RAA 2025 Javelin Throwing Finals sa RVM Sports Complex, Puerto Princesa City, nitong Miyerkules.

Nagpakawala ng matitinding sharp-tipped throws sina Roberto Quindo Jr. matapos na magtala ng 43.30m na layo dahilan para masungkit ang ginto sa kategoryang Mens Elementary at Rheane Mantana na nagkubra ng tansong medalya sa layo na 32.10m.

Nanatiling kalmado naman at hindi natinag sa presyur ang tambalang Bernard Ganancial at James Carlos Edonga ng Palawan nang makuha ang ginto at pilak sa Mens Secondary sa narehistrong makalaglag-pangang 52.03m at 50.06m.

“Sobrang saya ko po kasi nakamit ko na po ang record na gusto ko at makakalaro na rin po ako sa Palarong Pambansa,” wika ni Ganancial.

Hindi rin nagpahuli si Alicia Trisha Mae Badajos nang kaniyang hablutin ang isa pang ginto para sa Palawan sa Womens Secondary sa layo na 32.32m.

Kaugnay nito, naiuwi naman ng Puerto Princesa City ang isang ginto at isang pilak, habang ang Occidental Mindoro naman ay kumopo ng dalawang tanso, isang pilak at tanso para sa Oriental Mindoro, at isang tanso para sa Romblon.

Patuloy na magsasanay at maghahanda ang mga napiling manlalaro upang i-representa ang rehiyong MIMAROPA sa nalalapit na Palarong Pambansa 2025.

Mga kuha ni Ricchie Alim at Antonette Latube

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *