Tumipak ng mabibilis at malakilabot na tekong at bicycles ang mga pambato ng Puerto na sina Antonio Fuentes at Cloyd Padul para sa impresibong 2-0, panalo kontra Marinduque sa Elimination round ng Sepak Takraw Men’s Regu Game 1, MIMAROPA Regional Athletic Association Meet sa Ramon V. Mitra Jr. Sports Complex, Puerto Princesa, Palawan, kanina.
Maagang pinormahan ng Puerto ang laban, sa pangunguna ng 9 palasong mga tekong ni Fuentes sa Regu A, kasama ang pinaghalong lakas nina Madrona at Gacot sa bicycle, 15-4 iskor sa unang set, at 15-12 iskor sa ikalawang set.
Patuloy sa pag-opensa at depensa ang koponan ng Puerto Princesa sa Regu B, nang tumirada sina Padul at Jusay ng lumalagitik na atake gamit ang bicycle kasabay ang mga tekong ni Durano, 15-12 iskor sa unang set.
Umiba ang ihip ng hangin sa pagpasok ng ikalawang set, matapos umalagwa ng maiinit na headings ni Sales ng koponang Marinduque na nagpagulantang sa mga pambato ng Puerto, 15-10, pabor sa Marinduque.
Kakaibang determinasyon ang nanalasa sa mga atleta ng Puerto sa pagpasok ng deciding set nang bumitaw si Padul ng mababangis na bicycles at headings upang tuluyang ipako ang 15-11 na iskor, 2-0 panalo para sa Puerto.
“Sa bawat araw na training namin, lagi namin sinasabi na ang labang ito ay araw-araw, gamitan lagi ng determinasyon at tiwala sa sarili” ani ni Jason Oaper, coach ng PPC.
Ani naman ni Fuentes ng koponang PPC, malakas man ang kalaban sa kanilang susunod na game, ay gagawin pa rin nila ang lahat ng kanilang makakaya upang subukang talunin ang defending champion.
Sa kabila nito, panalo naman sa pagtira koponan ang Occidental Mindoro sa kanilang unang game kontra mga pambato ng Oriental Mindoro, 2-1.










